TARGET ni Senador Win Gatchalian na maglaan ng pondo para sa edukasyon na katumbas ng 4% ng Gross Domestic Product (GDP) ng bansa upang masolusyunan ang krisis sa edukasyon at mamuhunan para sa kinabukasan ng bansa.
Kasabay ito ng kanyang pahayag na ang 2026 General Appropriations Act ay magiging isang “education budget”.
Aniya, “Pipilitin nating umabot o lumagpas ng 4% ng GDP ang budget ng edukasyon dahil malaki ang kailangang pondo para masolusyunan ang krisis sa edukasyon. Hindi ibig sabihin na isasantabi na ang ibang sektor. Bibigyan lang natin ng prayoridad ang edukasyon,” ani Gatchalian, na siyang namumuno sa Senate Committee on Finance.
Ayon sa mambabatas, ‘back to basics’ ang tututukan ng ilalaang pondo sa edukasyon, kung saan patatatagin ang literacy at numeracy mula Kindergarten hanggang Grade 3.
Binigyang diin din ng mambabatas na popondohan ang Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program. Upang matugunan naman ang kakulangan sa classroom, iminumungkahi niya ang muling pagpapatupad ng counterpart program, kung saan paghahatian ng national government at local government units ang gastusin sa pagpapatayo ng mga classrooms.
Nais din ni Gatchalian ang pagha-hire ng mas maraming teacher aides upang mabawasan ang mga gawaing administratibo at iba pang non-teaching tasks ng mga guro.
