LIGAO CITY — ISUSULONG sa kamara ang isang panukalang batas na naglalayaong mapalawig ang lisensyang inisyu ng Professional Regulation Commission (PRC) mula sa tatlong taon tungo sa lima o sampung taon sa iba’t-ibang uri ng propesyon .
Ihahain ni Congressman-elect Raymond Adrian Salceda ang isang panukalang batas na layong ayusin ang sistema ng pagre-renew ng mga professional license sa bansa, sa pamamagitan ng pagpapalawig ng bisa ng lisensya, pagbawas sa gastusin at red tape.
Agad na isusumite ni Salceda ang panukalang batas at ang mga pag-aaral sa epekto nito sa ekonomiya pag-upo nito sa kanyang puwesto.
Mayroong dalawang kategorya ng propesyon:
Dynamic Professions – gaya ng nasa larangan ng kalusugan at information technology, ay magre-renew kada limang (5) taon;
Established Professions – gaya ng mga guro, librarian, at criminologist, ay magre-renew kada sampung (10) taon lamang.
“Tinatarget natin dito ang red tape na hindi na kailangan. Hindi lahat ng propesyon mabilis magbago. Hindi patas na pare-parehong ikinakarga ang three-year renewal sa lahat,” ani Salceda.
Libreng CPD para sa mga Nagseserbisyo sa Bayan
Nakasaad din sa panukala na obligasyon ng gobyerno na magbigay ng libreng CPD o subsidiya sa mga propesyonal na nasa serbisyo-publiko — gaya ng mga guro sa DepEd, mga nurse sa pampublikong ospital, at mga miyembro ng kapulisan at unipormadong hanay.
“Bilang Pangulo ng League of Municipalities of the Philippines sa Albay, nagpatupad na kami ng mga libreng CPD. Pero hindi sapat na pansamantala lang ang solusyon. Kailangang ayusin na ang mismong batas,” dagdag pa niya.
Bawas Gastos, Bawas Abala
Ayon kay Salceda, umaabot sa ₱15,000 kada 10 taon ang gastos ng isang guro o public professional sa CPD at renewal. Sa ilalim ng panukala, maaari itong bumaba sa wala pang ₱2,000.
“Hindi ito tungkol sa pagpapababa ng standards. Gusto lang natin tanggalin ang pahirap na walang saysay. Masyado nang magastos at nakakaubos ng oras.”
May Batayan sa Ibang Banse
Binigyang-diin ni Salceda na ginagawa na ito sa ibang bansa:
Sa Canada, 10 taon ang lisensya ng mga aircraft engineers;
Sa New Zealand, hanggang 10 taon ang bisa ng certification ng mga guro;
Sa Germany, lifetime license ang ibinibigay sa mga doktor — basta’t tuloy-tuloy ang CPD at malinis sa ethics.
Kasama rin sa panukala ang mandatoryong ethics review kada limang taon para matiyak ang integridad ng bawat propesyonal.
“May benchmark na tayo sa ibang bansa. May datos na rin tayo rito sa Pilipinas. Ang mga pag-aaral ay malinaw: mas matipid ito, mas epektibo, at mas makatao ang regulasyon,” paliwanag ni Salceda.
Ang panukala ay isa sa mga unang isusumite ni Congressman-elect Salceda sa pagbubukas ng ika-20 Kongreso ng Pilipinas.
