LUSOT na sa Mababang Kapulungan sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill No. 8043 o panukalang batas sa pag-aaksaya ng pagkain at pagpapalakas ng seguridad sa pagkain sa bansa.
Naipasa ang panukalang ito sa botong 247 in favor, 0 objections, 1 abstention nitong Marso 10, 2026 mula sa mga mambabatas na pangunahing inakda ni Rep. Jesus “Bong” C. Suntay (4th District, Quezon City).
Suportado na halos lahat ng miyembro ng Kamara ang panukala para sa isang polisiya na naglalayong bawasan ang food waste at gawing kapaki-pakinabang ang mga pagkain na dati’y nasasayang lamang.
Ang House Bill No. 8043 ay nagtatatag ng isang komprehensibong framework para sa food surplus recovery, kung saan hinihikayat ang mga food establishments, producers, supermarkets, hotels, at restaurants na mag-donate ng edible surplus food sa accredited food banks at charitable institutions, sa halip na itapon lamang ito.
Kasama rin sa panukala ang food waste recycling mechanisms, kung saan ang mga pagkain na hindi na maaaring kainin ay maaaring i-convert sa animal feed, compost, o iba pang sustainable uses, upang mabawasan ang environmental impact ng food waste.
Ayon kay Rep. Suntay, mahalaga ang batas na ito dahil sa kasalukuyang sitwasyon kung saan maraming pagkain ang nasasayang habang milyon-milyong Pilipino ang nahaharap sa food insecurity.
“Hindi katanggap-tanggap na sa isang bansa na may mga pamilyang nagugutom, napakaraming pagkain ang nauuwi lamang sa basura,” ani Suntay.
“Ang layunin ng panukalang ito ay simple pero napakahalaga: kung may pagkain na maaari pang kainin, dapat makarating ito sa mga taong nangangailangan. Kung hindi na ito maaaring kainin, dapat naman itong magamit sa sustainable ways tulad ng composting o animal feed.”
Ipinaliwanag din ni Suntay na ang panukala ay nagbibigay ng legal protection at incentives sa mga food donors, upang mahikayat ang mas maraming establishments na makilahok sa food donation programs nang walang pangamba sa liability, basta’t sumusunod sa food safety standards.
“Gusto nating gawing bahagi ng sistema ang food recovery. Hindi lang ito charity — ito ay isang structured national strategy laban sa food waste,” dagdag niya.
Bukod sa pagtulong sa mga nangangailangan, inaasahan ding makakatulong ang panukala sa pagbawas ng solid waste na napupunta sa mga landfill, na isa sa mga pangunahing environmental challenges sa mga urban areas.
Sa pamamagitan ng food donation networks, recovery systems, at waste recycling mechanisms, layunin ng House Bill No. 8043 na magtatag ng isang sustainable circular food system na makikinabang ang parehong komunidad at kalikasan.
Matapos ang pag-apruba ng Kamara sa ikatlo at pinal na pagbasa, ang panukala ay ipapadala na sa Senado para sa kanilang deliberasyon.
