MANANATILI ang dalawang araw na tigil-pasada ng transport group na Pagkakaisa ng mga Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (PISTON), na nagsimula nitong Martes, Setyembre 29 at magtatapos ngayong Miyerkules, Setyembre 30.
Hindi umano sapat para sa grupo ang ipinatupad na dagdag-pasahe at malaking rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo.
Ayon kay PISTON President Mody Floranda, kapos pa rin ang kasalukuyang dagdag-pasahe para matugunan ang patuloy na pagtaas ng gastusin sa diesel, maintenance at operasyon ng mga pampublikong sasakyan.
Pangunahing panawagan ng PISTON ang pag-alis sa excise tax at value-added tax (VAT) sa produktong petrolyo, pagbaba ng presyo ng diesel sa P55 kada litro, at pagbasura sa Oil Deregulation Law.
Hinihiling din ng grupo ang karagdagang P10 sa pasahe bilang dagdag-tulong sa mga tsuper na patuloy na kinakapos dahil sa mataas na operating expenses.
Samantala, nagpatupad ang mga kompanya ng langis nitong Martes ng malakihang rollback sa presyo ng petrolyo.
Nasa P7.60 ang ibinaba sa kada litro ng diesel, P0.30 sa gasolina, at P5.90 sa kerosene.
Gayunman, iginiit ng PISTON na hindi pa rin sapat ang rollback, dahil nananatili umanong mataas ang presyo ng diesel at iba pang gastusin na direktang pasan ng mga tsuper at operator.
Para sa grupo, hindi lamang dagdag-pasahe ang solusyon kundi mas mababang presyo ng langis at dagdag na suport.
