PEKE ang plaka ng isang SPORTS utility vehicle na may plaka no. 7 pumasok sa EDSA bus lane noong Linggo ng gabi, ayon ito sa Land Transportation Office.
Sinabi ng LTO na ang impormasyon na mayroon kami batay sa aming ebidensya ang “7” protocol plate na nakakabit sa SUV sa viral video ay peke, at walang protocol plate na ibinigay sa parehong uri ng sasakyan.
Nakikipag-ugnayan na din sila sa DOTr-SAICT para sa mas tiyak na mga detalye ng puting SUV nang malaman ang pagkakakilanlan ng rehistradong may-ari.
Maglalabas rin ng isang Show Cause Order (SCO) sa rehistradong may-ari at sa driver ng SUV na sangkot sa lalong madaling panahon para maipaliwanag nila ang naging mga paglabag batay sa umiiral na batas at regulasyon.
Sinisigurado rin ng LTO na makikipag-ugnayan din ang LTO sa Office of Senate President Francis “Chiz” Escudero upang makakalap ng impormasyon upang maimbestigahan hinggil sa nangyaring insidente .
Makikita sa viral video na tinangka pang sagasaan ang isang babaeng traffic enforcer bago tumakas. Ang number 7 vehicle registration plates ay itinalaga para sa mga senador.
Nahuli ang sasakyan na iligal na dumaan sa northbound EDSA lane ng Guadalupe Station alas-6:28 ng gabi noong Linggo.
Isang babaeng traffic enforcer ang lumapit sa sasakyan upang i-verify ang pagkakakilanlan ng driver at sabihin ang paglabag.
Gayunpaman, sa halip na makipagtulungan, tinangka ng driver na sagasaan ang enforcer at tumakas.
Bago tumakas, nag-flash ng middle finger na dirty sign ang pasahero ng SUV sa enforcer.
Ang insidente ay nakunan ng video na kuha ng isa sa mga tauhan ng Special Action and Intelligence Committee for Transportation ng Department of Transportation (DOTr-SAICT) at kalaunan ay in-upload sa kanilang Facebook account at naging viral.
