MULA sa 17,019.08 metriko toneladang produksyon ng dilaw na mais sa rehiyon ng CALABARZON noong unang semestre sa taong 2023, tumaas ito sa 20,393.46 metriko tonelada ngayong 2024 batay sa datos na nakuha ng Department of Agriculture IV- CALABARZON (DA-4A) Corn Program katuwang ang mga lokal na pamahalaan.
Ayon sa pagtatala ng Philippine Statistics Authority (PSA), nanguna rito ang kontribusyon ng lalawigan ng Quezon na umabot ang ani sa 4.18 metriko tonelada kada ektarya sa mahigit 3,700 ektaryang lawak ng taniman.
Inilahad ito sa mga serye ng DA-4A Corn Program 1st Semester Assessment para sa taong 2024 simula noong ika-11 hanggang ika-20 ng Setyembre kasama ang mga Agriculture Extension Workers (AEWs) mula sa iba’t ibang lalawigan na bumubuo sa rehiyon.
Sa pahayag kay Christian Castillo na isang AEW mula sa Candelaria, Quezon, dumami ang produksyon ng dilaw na mais sa tulong ng Corn Enhancement Production Program (CPEP) na nagbibigay sa kanila ng mga interbensyon gaya ng binhi at pataba.
Samantala, bukod sa dilaw na mais na karaniwang para sa mga pakain sa alagang hayop, patuloy ang panghihikayat ng Kagawaran na mapalakas pa ang produksyon ng puting mais na siyang kinokonsumo ng tao pagdating sa mga lutong putahe sa bawat hapag ng pamilya.