
NAPATAY ang isang guro sa pampublikong paaralan nItong Lunes ng kanyang dating asawa sa Lydia Aguilar National High School sa Bgy. Almanza Dos, Las Piñas City.
Ang biktima ay nakilalang si Rose, 51, ay binawian ng buhay dahil sa 37 saksak.
Ang dating asawang si alyas “Dennis,” 38, ay inaresto ng pulisya nang isagawa ang isang follow-up operation.
Lumabas sa imbestigasyon na nasa loob ng faculty room ang biktima nang ang suspek na armado ng kutsilyo ay pumasok sa loob at sinaksak ito ng paulit-ulit sa harap ng ilang kapwa guro bandang 8:45 ng umaga noong Lunes.
Agad na tumakas ang suspek matapos ang pananaksak.
Isinugod sa Alabang Medical Hospital ang biktima kung saan idineklara itong dead on arrival.
Nagkasama ang mag-asawa mula pa noong 2011. Naghiwalay sila noong 2024 pagkatapos ng 13 taong pagsasama dahil umano sa selos ng suspek.
Nasa kustodiya ng Las Piñas police ang suspek, nahaharap sa kasong parricide sa City Prosecutor’s Office.