
MARAPAT lamang na sagutin ng PhilHealth (Philippine Health Insurance Corporation) ang hospital bill ng mga Overseas Filipino Workers (OFW) at pamilya nito dahil sa kanilang sakripisyo at pagtulong sa ekonomiya ng ating bansa.
Ito ang sinabi ni ACT-CIS Partylist Representative at kandidato sa pagka-senador Erwin Tulfo sa isang panayam ng local media kamakailan na malaking tulong ito ng PhilHealth sa mga OFWs at pamilya nila pagdating sa pangangalaga ng kanilang kalusugan.
“Sobrang laking kabawasan ito sa gastusin ng ating OFWs lalo na yung mga domestic helpers, manual laborer, at yung mga may mababang sahod sa ibang bansa,” ani ni Tulfo.
Dagdag pa ng mambabatas, “kahit kalahati man lang ng kanilang hospital bill ang sagutin ng PhilHealth at sa kahit anong uri ng sakit ay malaking bagay na, paano pa kung gawing zero billing ang kanilang bayarin kapag nagkasakit sila o ang kanilang pamilya?”
Sa ngayon, ilang bahagi lang ng hospital bill ang sagot ng PhilHealth para sa lahat ng miyembro at para sa ilang mga piling sakit lang, kaya di naiiwasan ang mga out-of-pocket expenses.
“Hindi lang OFW mismo ang covered ng benepisyong ito, dapat pati na rin ang kanilang naiwang pamilya sa bansa,” pagdidiin pa ni Cong. Tulfo.
Ayon sa mambabatas, ito raw ang isa sa mga kahilingan ng mga OFW na nakasalamuha niya nang magtungo siya sa Paris, France noong nakaraang linggo para sa Barrio Fiesta 2025.
Isang kampeyon ng mga OFW, maghahain Si Cong. Tulfo ng isang panukalang batas hinggil sa zero billing sa pagpapaospital nila.