June 17, 2024

The Insider News

Direct from the source

QCPD nagpublic apology sa pamilya ni Janno Gibbs dahil sa pagkalat ng video ng ama

NAG-PUBLIC apology ang Quezon City Police Department sa pamilya ni Ronaldo Valdez dahil sa pagkalat ng video na nagpapakita ng bangkay ng yumaong aktor.

Namayapa si Valdez noong Disyembre 17 sa edad na 76 matapos kumpirmahin ng kanyang anak na si Janno Gibbs.

Ang nagleak na video na tinutukoy, ay nagpapakita ng dugo’t sugatang katawan ni Valdez na may hawak na baril at walang pahintulot ng kanyang pamilya.

Sinabi ng abogado ni Gibbs, na si Atty. Lorna Kapuna, na  naglabas ng pahayag kahapon sa ngalan ng kanyang kliyente, na humihiling na mag-public apology ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) at ang mga opisyal na direktang sangkot sa insidente “for the breach of trust and the trauma caused”  sa pamilya Gibbs.

Ilang oras makalipas, naglabas ng sariling pahayag ang QCPD upang humingi ng paumanhin sa pamilya Gibbs dahil sa di-nararapat na kilos ng ilang opisyal nito.

“Tayo ay taos-pusong humihingi ng paumanhin sa lahat ng pamilya [at] sa kanilang mga kaibigan dahil sa… sakit na naidulot noong paglabas ng video,” sabi ni QCPD Director Police Brigadier General Redrico Maranan.

Sinabi ng QCPD na isinasagawa na ang mabilis at tiyak na aksyon at ang mga tauhang sangkot ay haharap sa nararapat na administratibong kaso para sa kanilang mga kilos, at binanggit din na ang kanilang ugali “ay hindi naglalarawan ng mga values” na itinataguyod sa distrito ng pulisya.

Ayon pa kay Maranan na limang opisyal ang na-identify na sangkot sa insidente. Inihain sa kanila ang mga reklamo para sa malubhang pagsuway at seryosong iregularidad sa pagganap ng kanilang tungkulin sa internal affairs.

Idinagdag pa ng opisyal na nakahanda na ang mga kriminal na kaso laban sa apat na na-identify na sibilyan na nag-upload ng hindi awtorisadong video sa social media, at naghihintay na lamang sila sa desisyon ng pamilya Gibbs.