KINUKWESTIYON ni House Deputy Majority Leader Erwin Tulfo kung maari bang patakbuhin ng Maya Digital Savings Bank ang kanilang platform na konektado sa mga sugal?
Kasabay nito, naghain si Rep. Erwin Tulfo, kabilang ang kanilang mga kasamahan sa ACT-CIS Partylist Reps. Edvic Yap at Jocelyn Tulfo, at dalawang pang solon na sina Benguet Rep. Eric Yap at Quezon City 2nd District Rep. Ralph Tulfo ng House Resolution No. 1464 na nag-uudyok sa Kongreso na magsagawa ng imbestigasyon ukol sa mga digital banking platforms na konektado sa mga gambling applications.
Sa kanyang privilege Speech nitong Martes, sinabi ni Tulfo na nakarating sa kanyang tanggapan na konektado ang naturang platform ng Maya sa iba’t ibang gambling apps na nagpapahintulot sa mga subscribers na makilahok sa mga sugal.
Ayon kay Rep. Tulfo, malakas ang kanyang paniniwala na ang mga sugal sa platform ng Maya ay nangangailangan ng masusing imbestigasyon mula sa House of Representatives.
“This question strikes at the core of our responsibility as lawmakers to protect the interests of the millions of subscribers who rely on Maya Digital Savings Bank for their financial transactions and digital wallet needs,” ani Tulfo sa privilege speech. Tanong pa ni Tulfo kung alam ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) angnaturang pagkakaugnay sa mga sugal ng Maya.
“This investigation will shed light on whether these gambling activities are conducted in compliance with our laws and regulations, and whether they truly serve the best interests of our citizens,” dagdag pa ni Tulfo.
Idinagdag pa ng mambabatas na kung dapat bang payagan ng mga regulator ng bangko ang pagkakaroon ng mga app ng sugal sa digital platform ng isang savings bank, alinsunod sa potensiyal na epekto nito sa kaligtasan ng pinansiyal at kapakanan ng mga mamimili.
Sa kasalukuyan, may anim na digital banks na pinapayagan ng BSP na mag- operate sa bansa – Maya, Uno, Tonik, CIMB, Union Bank, at GoTyme Bank. Ngunit si Maya lamang ang may kaugnayan sa mga app ng sugal.
Bukod dito, kung ang mga app na ito ng sugal ay pinapayagan sa ilalim ng batas, itinataas nito ang tanong ukol sa kakayahan ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) na epektibong suriin at bantayan ang mga app na ito, at kung kinakailangan, gamitin ang kanilang regulatory powers
upang masiguro na sumusunod sila sa batas.
Ani Tulfo, layunin nila na masagot ang mga kritikal na tanong at alalahanin na ito sa pamamagitan ng tamang legislative channels, na nagbibigay-diin sa kahalagahan ng transparency, legalidad, at proteksyon ng mamimili sa mabilis na nagbabagong larangan ng digital banking at financial services sa Pilipinas.