SA pagdiriwang ng World Population Day 2025, nagsagawa ng isang Media Forum ang Commission on Population and Development (CPD) MIMAROPA, katuwang ang Pamahalaang Lungsod ng Calapan at PIA-MIMAROPA noong Hulyo 15 sa Calapan City Convention Center.
Tema ng forum ang “Empowering Adolescents and Youth: Conversations on Reproductive Health and Informed Family Choices.”
Layunin ng forum na bigyang-pansin ang mga isyung gaya ng reproductive health ng kabataan, maagang pagbubuntis, at kahalagahan ng family planning batay sa tamang impormasyon.
Dumalo rito ang mga kinatawan mula sa media, lokal na pamahalaan, at mga tagapagtaguyod ng kalusugan upang magsagawa ng makabuluhang talakayan.
Kinatawan ng lungsod si City Administrator Angel M. Navarro sa ngalan ni Mayor Atty. Doy C. Leachon, kasama sina CPD MIMAROPA Regional Director Regnaldo O. Wong, City Health Officer Dr. Basilisa M. Llanto, at City Population Officer Dr. Ma. Teresita N. Bolor bilang mga pangunahing tagapagsalita.
Binigyang-diin sa pagtitipon ang kahalagahan ng pagbibigay ng tama at sapat na impormasyon sa kabataan upang makagawa sila ng matatalinong desisyon ukol sa kanilang kalusugan, relasyon, at kinabukasan.
Sa kabuuan, layunin ng aktibidad na pagtibayin ang ugnayan ng mga ahensya upang makabuo ng isang lipunang may malusog na pamilya at empowered na kabataan.
