MULING nagbabala si Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos sa mga kandidato para sa nakatakdang Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) ngayong Oktubre 30, na sundin ang mga alintuntuning isinasaad ng mga batas hinggil sa halalan at huwag ng mandaya upang hindi sila magka-problema sa sandaling manalo sila.
Partikular niyang ipinaalala na magtalaga lamang ng tamang bilang ng poll watcher upang hindi sila maakusahan ng vote buying.
Aniya, sa ilalim ng COMELEC Resolution No. 10946, Section 25 (k) pwedeng magkaroon ng presumption of vote buying sa “hiring or appointing more than two (2) watchers per precinct per candidate.”
Ayon kay Abalos, naobserbahan ng Comelec na ang istilo ng ilang kandidato ay itago ang pagbili ng boto sa pamamagitan ng pagkuha ng maraming kunwari ay magsisilbing poll watchers.��
Ani Abalos, “Hinihiling ko sa publiko na maging mapagmatyag at mag-ulat sa Comelec o DILG kung may mapansin silang presinto na umaapaw sa mga poll watchers. Iimbestigahan natin iyan nang maigi at gagawan ng kaukulang aksyon.”
Dagdag pa ni Abalos, sa ilalim ng Section 264 ng Omnibus Election Code, ang mga kandidatong mahuhuling may paglabag sa vote buying ay may parusang pagkakulong hanggang anim na taon at perpetual disqualification from public office.
“Ang pagkakaroon ng maayos at malinis na eleksiyon ay sumasalamin sa mahusay, matino at maaasahan na mga kandidatong maglilingkod sa bayan,” pagdidiin ni Abalos.