ISANG matinding patutsada ng isang militanteng kongresista sa gobyerno dahil aniya walang aksiyong ginagawa sa walang humpay na pagtataas ng petrolyo.
Sinabi ni House assistant minority leader Arlene Broasas,binabalewala pa rin ng Palasyo ang panawagang special session ng Kongreso sa hangaring talakayin ang mga panukalang solusyon sa lingguhang umentong ipinapataw ng mga kumpanya ng langis sa kanilang ibinebenta sa merkado.
“Tama na ang tulog mantika,” pangangalampag ni Brosas bunsod aniya ng kawalang aksyon ng gobyerno sa nakabinbing pamamahagi ng fuel subsidy sa public transport sector.
Aniya, matagal nang ipinangako ng gobyerno ang fuel subsidy.
Katunayan aniya, kasagsagan pa ng pandemya nang mangako ang Pangulo, bagay na para sa kongresista, sadyang nakakaubos ng pasensya.
“Limitado na nga ang saklaw ng pangakong fuel subsidy, napakabagal pa ng release nito sa transport at agricultural sectors natin. Dapat na kagyat na ilabas na ang P3 bilyon para dito.
Lahat ng pwedeng gawin, dapat gawin ng gobyerno sa halip na atupagin ang pagpapanalo ng mga manok nito sa halalan.
Pero hanggang ngayon, tulog mantika pa rin?” hinaing ng solon. Kasado na rin ngayong araw (Martes) ang ika-10 sunod na dagdag-presyo sa mga produktong petrolyo.
Sa datos ng Department of Energy (DOE), P5.50 kada litro ang umento sa krudo habang P3.50 naman sa gasolina.
“Malacanang must urgently call for a special session to tackle and fast-track the approval of the proposed suspension of TRAIN Law excise tax, and for Oil Deregulation Law to be reviewed,” giit ni Brosas.
“We have reached an unprecedented oil price shock in history, which is more than enough reason for thousands of women to protest on the streets. March 8 will be a massive indignation over rising prices of oil and basic commodities.”