POSIBLENG daan-daang libong manggagawa sa bansa ang maaaring maapektuhan at mawalan ng hanapbuhay kung hindi marerendahan ang talamak na bentahan ng mga sub-standard at pekeng produkto na karamihan ay galing China gamit ang mga online deliveries.
Ito ang ibinunyag ni House Deputy Majority leader at ACT-CIS partylist Rep. Erwin Tulfo na kung saan ay naghain siya ngayong Lunes, kasama ang kanyang mga kasamahan sa ACT-CIS partylist Rep. Edvic Yap, Benguet Rep. Eric Yap at Quezon City 2nd district Rep. Ralph Wendel Tulfo, ng isang resolusyon para pa-imbestigahan sa Kongreso ang “unfair online sales practices” ng mga offshore appliances na karamihan ay galing sa China at direktang ipinapasok sa bansa at ibinebenta sa mas murang halaga.
“Kung hindi ito mapipigilan, maraming negosyo sa Pilipinas na sumusunod sa tamang alituntunin ng batas natin ang mapipilitang magsara dahil sa pagkalugi. At kapag nangyari ito siguradong daan-daang libong kababayan natin ang mawawalan ng trabaho,” ani Tulfo sa pahayag.
Sinabi ng mambabatas na aabot sa 15 negosyante na karamihan ay manufacturer at nagbebenta ng mga appliances ang personal na lumapit sa kanyang tanggapan para magpasaklolo dahil apektado na ang kanilang negosyo sa talamak na bentahan ng mga sub-standard at pekeng produkto na ibinebenta sa mas murang halaga.
“Itong mga negosyante na ito, sila yung mga nagbabayad ng tamang buwis at sumusunod sa lahat ng regulasyon at alituntunin na pinaiiral ng ating batas. Pero sila ang lubos na apektado at ngayon ay nalulugi dahil sa hindi patas na bentahan sa merkado,” giit ni Tulfo.
Kabilang sa mga local manufacturers na lumapit at nagpasaklolo sa tanggapan ni Tulfo ay ang American Home, Asahi, Astron, Camel, Caribbean, Concepcion, Cooldaddy, Dowell, Eureka, Fujidenzo, Hanabishi, Karlsson, Kyowa, Kuchenluxe, Nikon, Nova, Tefal, Tiger, Union, Condura, Carrier, Midea, Shark Ninja, Tough Mama at 3D. Kung pagsasamahin aabot sa mahigit 300,000 manggagawang Pilipino ang
nagta-trabaho sa naturang mga kumpanya. “Huwag na nating intayin na tuluyan silang malugi at magsara ang kanilang mga kumpanya bago tayo kumilos kapag nawalan na ng trabaho ang daan libo nating mga
kababayan,” ani Tulfo.
Kinwestyon din ni Tulfo ang mga ahensya ng pamahalaan tulad ng Department of Trade and Industry (DTI) at Bureau of Customs (BoC) kung bakit tila hinahayaan lamang na makapasok ang mga naturang produkto na hindi dumadaan sa regulasyon ng pamahalaan.
Nilinaw naman ni Tulfo na hindi siya tutol sa mga online selling, pero iginiit niya na dapat din silang dumaan sa mga itinakdang batas ng ating gobyerno.
Ayon sa resolusyon: “the newly enacted Republic Act No. 11967, otherwise known as the Internet Transactions Act, provides for a regulatory framework that requires players in e-commerce to adhere to specific rules and regulations on the protection and promotion of innovation, competition, secure online transactions, and environmental sustainability.”
“Despite this regulatory framework, there have been reports that offshore brands, particularly those from China, have been allowed to directly deliver items to the country—through platforms like Shopee and Lazada, without adhering to the same taxation and regulatory requirements imposed upon domestic appliance manufacturers,” dagdag pa nito.
Giit pa sa resolusyon, karamihan sa mga “offshore brands” ay hindi na dumadaan sa mga regulasyon ng pamahalaan kaya mas mura nilang naibebenta ang kanilang mga produkto.
“After receiving complaints about establishments that sell uncertified appliances, the DTI recently raided and seized appliances imported from China and Korea without Import Commodity Clearance stickers—a significant indication in the packaging which proves that the product is safe, of good quality, and is not harmful to its user,” dagdag pa ng resolution ng mga mambabatas.