NAHAGIP ng rumaragasang tren ang isang turistang Pinay na magpapa-picture sa Shifen Station sa Pingxi district sa Taiwan.
Ang biktima ay nasa edad 30 na nagtamo ng maraming pinsala at isinugod sa Keelung Chang Gung Memorial Hospital para magamot.
Ayon sa Central News Agency (CAN), nagtamo ng laceration sa ulo ang Pinay.
Sinabi ng Manila Economic Cultural Office (MECO) na nasa stable na kondisyon ang Pinay ngunit kakailanganin ng operasyon upang matugunan ang mga pinsala sa kanyang ulo, dibdib at balakang.
Sinabi ni MECO chairperson Cheloy Garafil na ipinaalam na sa mga kaanak ng biktima ang insidente.
Sa ulat ng lokal na media ay nagsabi na ang insidente ay nangyari noong Enero 20 sa harap ng mga tindahan na nagbebenta ng mga sky lantern sa Shifen Old Street, na isang sikat na destinasyon ng turista sa distrito ng Pingxi ng New Taipei City.
Sa isang CCTV footage mula sa isang kalapit na tindahan, nakita ang babae na iniunat ang kanyang mga braso upang mag-pose para sa isang larawan nang bumangga ang isang tren ng Taiwan Railway sa kanyang braso.
Sa lakas ng impact ay nadala siya sa lupa, at halos gumulong sa ilalim ng tren.
Sinabi ng Taiwanese police na ang babae ay nakalusot sa riles at maaaring maharap sa multa ng hanggang TWD50,000 o halos P100,000 alinsunod sa Taiwan’s Railway Act.
