Photo courtesy of Philippine Embassy Muscat
LIGTAS nang pinalaya ang 17 Filipino crew members ng M/V Galaxy Leader na nabihag ng mahigit isang taon sa bansang Yemen , ayon ito sa pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Huwebes.
Ayon sa Pangulo, nasa pangangalaga na ng Philippine Embassy sa Muscat, Oman ang mga Filipino seafarers, kasama ang iba pang crew ng M/V Galaxy Leader at inaasahang makakauwi sa kanilang mga pamilya sa Pilipinas .
Ipinahayag pa ni Pangulong Marcos ang kanyang kagalakan sa pagpapalay sa mga bihag na tanda ng pagtatapos ng 429-araw na pagsubok ng mga marino.
Ipinaabot din niya ang kanyang pasasalamat sa Kanyang Kamahalan Haitham bin Tarik, Sultan ng Oman, at sa kanyang pamahalaan para sa kanilang pagsisikap na gumaganap ng mahalagang papel upang matiyak ang pagpapalaya at maging ligtas ang mga tripulante ng Pilipino sa Oman.
“Ikinagagalak kong ipahayag ang ligtas na pagpapalaya sa lahat ng 17 Filipino seafarer, kasama ang iba pang crewmember ng M/V Galaxy Leader. Ang ating mga Pilipinong marino ay nasa pangangalaga na ngayon ng ating Philippine Embassy sa Muscat, Oman, at malapit nang makasama ang kanilang mga mahal sa buhay sa Pilipinas,” ayon kay Pangulong Marcos.
Matatandaang nag-umpisa ang pangho-hostage ng mga rebeldeng Yemeni noong Nobyembre 2023 ang M/V Galaxy Leader sa Red Sea at ini-hostage ang 25 tripulante nito, kabilang ang 17 Pilipino.
Ang hostage-taking ay bilang pagganti sa opensiba ng Israel sa Gaza.
Pinuri naman ni Pangulong Marcos ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno at pribadong entities ng Pilipinas para sa kanilang patuloy na pagsisikap sa pakikipagtulungan sa mga dayuhang pamahalaan at organisasyon.
Aniya, ang sama-samang gawain ay nag-ambag sa ligtas na pagpapalaya ng mga bihag.
Kasunod ng pagpapalaya sa mga marino, binigyang-diin ng Pangulo ang kahalagahan ng mga Pinoy seaman at ang kanilang proteksyon sa ilalim ng batas ng Pilipinas.
Aniya, nilagdaan niya ang Republic Act No. 12021 o ang Magna Carta of Filipino Seafarers para matiyak ang proteksyon ng mga karapatan at pangkalahatang kapakanan ng mga Filipino seafarer, gayundin itaguyod ang kanilang buong trabaho, at tiyakin ang pantay na pagkakataon sa industriya ng maritime, anuman ang kasarian o paniniwala, kabilang ang pantay na pag-access sa edukasyon, pagsasanay at pag-unlad.
