Wala tayong isinusuko — at lalong hindi tayo yumuyuko kaninuman — sa anumang posibleng pag-uusap sa Chinese Embassy, sinabi nitong Linggo ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” M. Lacson.
Ani Lacson, ang planong pag-uusap – na kanyang iminungkahi matapos ipahayag ni Chinese Ambassador to the Philippines Jing Quan ang kahandaang makipagdayalogo sa mga lider ng Pilipinas upang maibsan ang palitan ng maaanghang na pahayag sa isyu- ay hindi tutuon sa mga sensitibong usapin tulad ng pagmamay-ari ng mga pinagtatalunang lugar, kundi sa pagtatatag ng malinaw na linya ng komunikasyon.
Pinuri din ni Lacson ang inisyatibo ni Sen. Erwin Tulfo na makipagpulong sa opisyal ng Chinese Embassy bilang bagong Chairman ng Senate Foreign Relations Committee. Aniya, ito ay “move in the right direction” at “commendable.” Dagdag niya, maaaring ibahagi ni Sen. Tulfo ang resulta ng pagpupulong niya na inaasahang magsimula ng 11 a.m. sa all-senators’ caucus na inaasahang magsimula ng 1:30 p.m.
“Wala tayong sinusuko at di tayo yumuyuko. Gusto lang natin maiwasan ang maaanghang na palitan ng salita through social media. Mas maganda ang direktang pag-uusap,” ani Lacson sa panayam sa DZBB radio.
“Baka may middle ground na pwede tayong makapagusap. Hindi yung yumuko tayo, ‘sige sa inyo na nga yan para lang maayos na ang ating usapan.’ Hindi ganoon,” dagdag niya. “Mas mainam ang maliwanag na maliwanag. Wala tayong sinusuko at hindi tayo yumuyuko.”
Binanggit din ni Lacson na bago makipagugnayan sa Chinese Embassy, kailangang tiyakin muna ng mga senador ang malinaw na komunikasyon sa isa’t isa, dahil hindi aniya maganda tingnan na ang kapwa Pilipino ay nagkakaroon ng mainitang pagtatalo laban sa kapwa Pilipino sa isyung ito.
Giit ni Lacson, hindi niya maisip na mayroong Parliament sa mundo kung saan nag-aaway ang mga mambabatas hinggil sa teritoryo ng sarili nilang bansa.
“Di ba napakapangit noon? I cannot imagine maski anong parliament sa buong mundo na nangyayari ito, nagkakapikunan ang mambabatas at ang usapin sino ang nagmamayari ng isang teritoryo na ang alam nating lahat teritoryo talaga ng Pilipinas o kaya nasa loob ng ating exclusive economic zone,” aniya.
