BATANGAS-MATAGUMPAY na naisagawa ang Turnover of Goods para sa 110 Cerebral Palsy Beneficiaries noong Pebrero 25, 2026. Layunin ng programa na maghatid ng konkretong suporta sa mga Tomasinong may cerebral palsy sa pamamagitan ng pamamahagi ng kanilang pangunahing pangangailangan tulad ng gatas, diaper, prutas, biskwit, at iba pa.
Ang pondo para sa inisyatibang ito ay nagmula sa iba’t ibang makabuluhang aktibidad, kabilang ang Philippine Arbor Day 2023 at 2024, AJAM Breakfast Ride, at ang block screening ng Isang Daang Awit Para kay Stella.
Pinangasiwaan ang programa ng City Environment and Natural Resources Office, katuwang ang Persons with Disabilities Assistance Office at ang Health Education and Promotion Unit, na nagkaisa upang matiyak ang maayos at makabuluhang pamamahagi ng tulong.
Nagpahayag naman ng patuloy na pangako ang Pamahalaang Lungsod, sa pamumuno ni Mayor Atty Arth Jhun Aguilar Marasigan (AJAM), kasama si Vice Mayor Catherine Jaurigue-Perez, at mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod, na higit pang palakasin ang mga programang nakatuon sa kapakanan ng persons with disabilities.
Sa pamamagitan ng pagkakaisa at malasakit, muling pinagtibay ng Lungsod ang tunay na diwa ng serbisyong may puso, walang naiiwan, at bawat Tomasino ay mahalaga.
