PINALAYA na pansamantala ang 17 Pinoy na inaresto sa Qatar dahil sa ilegal na pag-protesta sa pagdakip kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa The Hague, ayon kay Department of Migrant Workers (DMW) ngayong araw ng Huwebes.
Ayon kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac sa isang press briefing sa Malacañang, “Kami ay labis, labis na nagpapasalamat sa mga awtoridad ng Qatar, sa gobyerno ng Qatar sa pagpayag sa pansamantalang pagpapalaya ng 17 habang nagpapatuloy ang mga pagsisiyasat,” .
“Sa utos ng Pangulo, patuloy na ibibigay ang legal na tulong at welfare assistance sa 17 (Pilipino),” dagdag pa niya.
Inatasan din si Cacdac ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyakin ang agarang pagpapalaya sa 17 Pilipino sa Qatar.
Aniya, pansamantalang inilabas ng mga awtoridad ng Qatar ang mga Pilipino sa dalawang magkahiwalay na batch at agad pinalaya ang tatlong menor de edad kasunod ng pagkakaaresto sa grupo.
Sinabi pa ni Cacdac na papayagan silang umuwi sa Doha sa pamamagitan ng pagpapalaya sa kanila habang nakabinbin ang imbestigasyon.
Kabilang sa mga nakakulong ay 12 lalaki, limang babae, at tatlong menor de edad. Inaresto sila noong Marso 27 sa paglahok sa isang rally bilang suporta kay dating pangulong Rodrigo Duterte, na inaresto at ikinulong ng International Criminal Court (ICC) upang harapin ang paglilitis sa kasong crime against humanity .
Kaagad na inatasan ni Pangulong Marcos ang DMW, katuwang ang One Country Team, ang Department of Foreign Affairs (DFA), at ang Philippine Embassy sa Doha, na magbigay ng legal at welfare assistance sa 17 Filipino.
Sinamantala ni Cacdac ang pagkakataon na paalalahanan ang mga overseas Filipino workers (OFWs) na sundin ang mga batas at regulasyon ng kanilang host country.
