
PHOTO courtesy Rizal PPO
AGAD na sinusupindi ng Maritime Industry Authority (MARINA) ang sertipiko ng passenger boat na motorized banca Princess Aya epektibo ngayong araw ng Biyernes .
Bunsod ito ng pagkamatay ng 26 na katao matapos tumaob ang pampasaherong bangka sa gitna ng pananalasa ng bagyong Egay sa Barangay Kalinawan sa baybaying bayan ng Binangonan, Rizal.
Ayon sa Philippine Coast Guard o PCG , dalawampu’t anim na po ang kumpirmadong patay at 40 na ang nakaligtas sa isinagawa ng Retrieval operations .

Sinabi ni PCG spokesperson Rear Admiral Armand Balilo ,”Meron pong mga underwater personnel na mag coconduct ng operations para ma-check po kung meron pang mga tao na na-trap dun sa ilalim ng bangka,”
Sa nakalap na impormasyon, dakong alas 3:30 ng hapon nang makatanggap ng ulat ang lokal na pamahalaan hinggil sa insidente.

Hindi pa gaanong nakakalayo sa pampang ng Isla Talim sa Barangay Kalinawan ang bangkang patungo sa Barangay Gulod sa naturang munisipalidad nang hampasin ng malakas na hangin, dahilan para mataranta ang mga sakay na pasaherong nagkumpulan sa isang bahagi ng sasakyang dagat hanggang sa tuluyang tumaob.