POSIBLENG makaranas ng malaking bawas-presyo sa mga produktong petrolyo ang mga motorista sa susunod na linggo, kasunod ng panibagong pag-asa na matatapos na ang digmaan sa Middle East dahil sa pagkopo ng mga Democrats sa kontrol sa Kongreso at Senado ng Estados Unidos sa katatapos na US midterm elections.
Ayon kay Jetti Petroleum president Leo Bellas, inaasahang bababa ng P12.50 hanggang P13.50 kada litro ang presyo ng diesel simula Nobyembre 10.
Posible namang magbawas ng P4.30 hanggang P4.50 kada litro sa presyo ng gasolina.
Sinabi ni Bellas na bagama’t patuloy na pinangangambahan ang pagkaantala sa suplay dahil sa mga pag-atake sa Strait of Hormuz at mga pasilidad ng enerhiya sa Saudi Arabia, umaasa ang merkado sa panibagong diplomatikong pagsisikap upang matigil ang ilang buwang digmaan sa Middle East.
“Perception of a lower chance of escalation following sweeping victories by the Democratic Party in the recent midterm elections also pressured prices,” ani Bellas.
Dagdag pa niya, bumaba rin ang presyo ng gasolina at diesel dahil sa paghina ng presyo ng krudo at inaasahang pagtaas ng suplay matapos luwagan ng South Korea ang mga restriksiyon sa diesel at magdagdag ang China ng export quota.
Batay ang pagtataya sa unang apat na araw ng trading sa Mean of Platts Singapore (MOPS) at sa galaw ng foreign exchange.
Ang MOPS ang nagsisilbing batayan sa pagpepresyo ng mga refined petroleum product sa Southeast Asia.
