TUMAAS sa 5.4 porsiyento ang unemployment rate sa Pilipinas noong Setyembre mula sa 5.3 porsiyento noong Agosto, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA) nitong Biyernes.
Sinabi ng PSA na halos hindi nagbago ang unemployment rate kumpara sa nakaraang buwan, ngunit muling naitala ang pagtaas noong Agosto sa unang pagkakataon kasunod ng tatlong sunod na buwan ng paglobo nito.
Batay sa pinakahuling datos, umabot sa 2.86 milyon ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho, mas mataas sa 2.77 milyon noong Agosto.
Nangyari ang pagtaas habang mas maraming Pilipino ang pumasok sa labor force. Bahagya ring umakyat sa 64.5 porsiyento ang labor force participation rate mula sa 64 porsiyento noong Agosto.
Katumbas ito ng 53.19 milyong Pilipino na kabilang sa labor force, mas mataas sa 52.56 milyon noong nakaraang buwan.
Samantala, bahagyang bumaba ang underemployment rate sa 11 porsiyento mula sa 11.9 porsiyento noong Agosto, indikasyon ng pagbaba ng bilang ng mga manggagawang naghahanap ng karagdagang trabaho o mas mahabang oras ng paggawa upang madagdagan ang kanilang kita.
Nasa 5.56 milyon ang mga underemployed na Pilipino, mas mababa sa 5.9 milyon noong Agosto.
Halos hindi rin nagbago ang employment rate na nasa 94.6 porsiyento, bahagyang mas mababa sa 94.7 porsiyento noong Agosto.
Gayunman, tumaas sa 50.32 milyon ang bilang ng mga may trabaho sa bansa mula sa 49.79 milyon noong nakaraang buwan.
