June 25, 2024

The Insider News

Direct from the source

49 Bamban police sinibak sa pwesto

SINIBAK sa pwesto ang 49 na opisyal at tauhan ng Bamban Municipal Police Station sa Tarlac nitong Lunes bilang bahagi ng patuloy na imbestigasyon sa isang raid noong Marso 13 sa isang POGO compound na matatagpuan sa likod ng municipal hall.

Agad namang  pinalitan ang 49 na mga pulis mula sa Police Regional Office 3.

Sinabi ni Philippine National Police spokesperson Col. Jean S. Fajardo na sa 49, dalawang commissioned officers ang pansamantalang pinalitan ng mga miyembro ng 1st at 2nd Provincial Mobile Force Companies ng Tarlac Police Provincial Office, ang Tarlac City Police Station, at ang mga Municipal Police Stations ng Concepcion at Capas.

Ayon pa kay Fajardo na ang 49 na pinalitan na mga pulis ng Bamban ay inilipat sa PRO3 Regional Personnel Holding Unit at inatasang sumailalim sa isang Focused Reformation/Reorientation and Moral Enhancement o FORM program sa Subic.

Pinangunahan ni PRO3 director Brig. Gen. Jose S. Hidalgo Jr. ang seremonya sa Bamban MPS noong Lunes at ipinaliwanag sa 49 na kanilang inalis upang bigyan-daan ang patuloy na imbestigasyon sa POGO raid.

Matatandaang ang hepe ng pulisya ng Bamban ay nauna nang inalis matapos ang POGO raid na isinagawa ng Presidential Anti-Organized Crime Commission na pinamumunuan ni Executive Director Gilbert DC Cruz.

Ayon kay Fajardo, malinaw na ipinaliwanag ni PNP chief Gen. Rommel Francisco D. Marbil na “hindi sila papatawarin” pagdating sa mga pulis na sangkot sa mga irregularidad sa pagganap ng tungkulin.

Binanggit ng opisyal ang ilang mga pulis na sinibak sa kanilang mga puwesto matapos matuklasan na sangkot sila sa ilegal na mga gawain.

Isa rin sa dahilan ng pag-relieve sa pwesto ng mga awtoridad ay dahil sa pagkakasangkot ni Bamban Mayor  Alice Guo.

Sa kasalukuyan si Mayor Guo ay nasa ilalim ng anim na buwang suspensyon ng Office of the Ombudsman dahil sa kanyang pinaghihinalaang kaugnayan sa isang pinaghihinalaang ilegal na operator ng POGO sa bayan.