NADAKIP ang pitong miyembro ng Communist Terrorist Group (CTG) matapos magsagawa ng manhunt operation ang CIDG Tarlac Provincial Field Unit katuwang ang PNP Special Action Force; Intelligence Group; Philippine Army nitong Marso 11, 2026 bandang 3:30 ng madaling araw sa Barangay Baras-Baras, Tarlac City, Tarlac.
Lima sa kanila ay dinakip dahil sa bisa ng Warrant of Arrest para sa kasong Attempted Murder at Qualified Trafficking in Persons na inisyu ng mga korte sa Kalinga, Ilocos Sur, at Abra noong 2018, 2019, at 2020, habang ang dalawang rebelde naman ay naaresto sa flagrante delicto para sa ilegal na pag-aari ng mga baril at pampasabog.
Sa isang ulat na nakarating kay Robert AA Morico II, ang Direktor ng CIDG, ang pitong naaresto ay pawang mga miyembro ng Communist Terrorist Group (CTG) sa ilalim ng Ilocos–Cordillera Regional Committee ng New People’s Army (ICRC-NPA) na aktibong kumikilos sa mga probinsya ng Kalinga at Abra. Ang mga rebelde ay nasa kanilang pi nagtataguan sa Brgy. Baras-Baras, Tarlac City nang maganap ang operasyon.
Matapos ang pag-aresto, natuklasan ng mga awtoridad mula sa naaaarestong rebelde ang isang hand grenade; tatlong hindi lisensyadong baril – caliber 5.56 rifle, caliber 45 pistol at caliber 38 revolver; iba’t ibang magasin at bala; anim na cellular phone; SIM card housing; USB flash drive; pocket WiFi; power bank; Identification Cards, wallets, cash money na nagkakahalaga ng PhP 11,000.00, at iba pa.
Tinitiyak ng CIDG sa publiko na walang humpay ito sa pagtutuos at pagtugis sa mga kriminal, wanted person, at mga pugante sa buong bansa—nang walang takot o pabor.
