DEAD on arrival sa ospital ang isang 75-anyos na babae habang dalawang iba pa ang malubhang nasugatan matapos maipit sa karumal-dumal na salpukan ng kotse at tanker truck sa National Highway sa Barangay Looc, Sibulan, Negros Oriental, Sabado ng gabi, Setyembre 12.
Batay sa paunang imbestigasyon ng pulisya, binabagtas ng puting kotse ang highway nang bigla umano itong lumihis at pumasok sa kabilang linya.
Dito na ito sinalpok ng kasalubong na tanker truck na mabilis na paparating.
Sa tindi ng impact, halos wasakin ang kotse at naipit ito sa malaking tanker, dahilan upang malubhang masugatan ang mga sakay.
Agad na isinugod sa ospital ang tatlong biktima, subalit hindi na umabot nang buhay ang 75-anyos na babae at idineklarang dead on arrival.
Kritikal naman ang kalagayan ng 40-anyos na driver ng kotse, habang patuloy ding ginagamot ang 45-anyos nitong kasamang pasahero.
Samantala, sumuko sa mga rumespondeng pulis ang driver ng tanker na kinilala sa alyas na “Edong” at kasalukuyang nasa kustodiya ng awtoridad.
Inaalam pa ng mga imbestigador kung nakainom ang driver ng kotse o posibleng inantok/nakatulog habang nagmamaneho bago naganap ang aksidente.
Patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang buong pangyayari at kung may pananagutan ang driver ng tanker sa insidente.
