ISA na namang malaking taas-presyo sa petrolyo ang posibleng tumama sa mga motorista ngayong Martes, Setyembre 15, matapos ang makabuluhang oil price hike noong nakaraang linggo.
Tinatayang nasa P4.50 hanggang P5 kada litro ang maaaring idagdag sa presyo ng gasolina, habang posibleng tumaas naman ng P2 hanggang P2.50 kada litro ang diesel, batay sa industry estimates.
Ito na ang ikalawang sunod na linggo ng malakihang pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo.
Nakabatay ang pagtataya sa naging galaw ng world oil prices at foreign exchange rates matapos ang apat na araw na trading.
Patuloy namang itinuturo ang tensiyon sa Middle East bilang isa sa mga pangunahing salik sa pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado, na may direktang epekto sa lokal na presyo ng petrolyo.
Gayunman, tantya pa lamang ang naturang halaga at maaari pa itong magbago depende sa magiging galaw ng trading hanggang sa huling bahagi ng linggo.
Inaasahang maglalabas ang mga oil companies ng kani-kanilang opisyal na abiso bago ipatupad ang panibagong adjustment sa Martes.
