WALONG bilanggo ang nakatakas noong Linggo mula sa kulungan sa San Jose del Monte City Police Station sa Bulacan.
Ayon sa ulat kay Police Regional Office 3 director Brig. Gen. Jose Hidalgo Jr., kinilala ang mga nakatakas na sina Richard Torillos, 46; Glenmir Ian Aguilar, 42; Arturo Conde, 40; Jeffrey Santos, 38; Jorency Revise, 29; Edcel Briones, 29; Aaron Capa, 26; at Jose Albert Rojas, 24.
Ang mga nakapugang preso ay nahaharap sa mga kaso ng paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, robbery, at arson.
Samantala, si Torillos ay nahaharap din sa isa pang kaso para sa paglabag sa Republic Act 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulations Act of 2013.
Ang mga bilanggo ay Nakagawa ng paaraang tumakas sa pamamagitan ng pagputol ng bakal na grills ng banyo ng kulungan bandang alas-3 ng umaga noong Linggo.
Samantala, kahapon ng umaga, apat sa mga nakatakas na bilanggo ang naibalik na ng lokal na pulisya.
Sa imbestigasyon , lumabas na isa sa mga kasama sa kulungan ng walong pumuga nakadiskubre ng insidente nang magising at agad na ipinaalam ito sa duty officer.
Isinasagawa ngayon ang operasyong manhunt upang arestuhin ang iba pang mga nakatakas na preso.
