
MALALIMANG imbestigasyon ang isinasagawa ng mga awtoridad sa pagpatay sa isang lalaki na kung saan ay itinali ang katawan nito sa puno ng bakawan sa tabi ng ilog sa Bgy. Mabatang, Abucay, Bataan.
Ini-report ng Bataan police kay Police Regional Office 3 (PRO3) director Brig. Gen. Ponce Rogelio Penones Jr. na ang bangkay ng biktima ay inilagay sa loob ng isang plastic bag at itinali sa isang bakawan (mangrove) na puno sa isang ilog sa Sitio Paruba.
Nakita ng isang residenteng si Armando Valencia, ang plastic bag kung saan nasa loob ang biktima.
Nakuha umano ni Valencia ang plastic bag na naglalaman ng bangkay at inilagay sa isang styrofoam box sa pilapil ng ilog bago inalerto ang mga awtoridad.
Agad namang siniguro ng mga rumespondeng miyembro ng Abucay police ang lugar at nakipag-ugnayan sa Scene of the Crime Operatives (SOCO) para sa forensic examination.
Tinutukoy ng mga otoridad ang pagkakakilanlan ng biktima at ang mga pangyayari sa likod ng pagpatay.