PATAY ang isang barangay kagawad at ang kanyang anak nitong Lunes sa pananambang ng riding-in-tandem ng armadong kalalakihan sa Ampatuan, Maguindanao del Sur.
Ayon kay Lt. Col. Jopy Ventura, tagapagsalita ng Bangsamoro Autonomous Region police, ang napatay ay si Barangay Kapinpilan councilor Abusama Agao at ang kanyang anak na si Norodin.
Ang anak ni Agao na si Jahara ay nasugatan.
Sakay ng tricycle na minamaneho ni Norodin ang mga biktima para dumalo sa isang kasal nang mangyari ang pananambang dakong alas-8:30 ng umaga noong Lunes.
Dead on the spot ang mag-ama habang dinala ang anak sa Maguindanao Provincial Hospital sa kalapit na bayan ng Datu Hoffer para magamot.
Tinutugis na ng mga awtoridad ang mga suspek at inaalam ang motibo sa pag-atake.
