PAMPANGA — Ligtas na nakatakas mula sa kamay ng mga kidnappers ang isang 37-anyos na Chinese businessman, habang apat na hinihinalang miyembro ng kidnap-for-ransom group ang naaresto ng pulisya sa lalalwigang ito.
Isinagawa ng PNP Anti-Kidnapping Group (AKG) ang operasyon noong Agosto 4, 2026, matapos dukutin ang biktima ng limang armadong lalaki noong Agosto 2 sa Friendship Highway, Angeles City, Pampanga.
Ayon sa imbestigasyon, palabas na ng supermarket parking area ang biktima nang harangan ng isang puting van ang kanyang sasakyan.
Bigla siyang puwersahang kinuha ng limang armadong suspek, isinakay sa kanilang van at dinala sa isang hindi malamang lugar.
Kinabukasan, Agosto 3, nagsumbong sa pulisya ang nakababatang kapatid ng biktima matapos makatanggap ng sunod-sunod na pagbabanta at ransom demand.
Tinatayang 1 milyong USD ang hinihingi ng mga kidnappers kapalit ng kalayaan ng biktima.
Nagbanta rin ang mga suspek na sasaktan ang bihag kapag hindi naibigay ang malaking halaga sa itinakdang oras.
Nitong madaling-araw ng Agosto 4, nakatanggap ang PNP AKG ng impormasyon na nakawala na ang biktima mula sa pagkakabihag.
Agad itong bineripika ng mga operatiba at nagsagawa ng malawakang paghahanap hanggang sa tuluyang mahanap ang businessman.
Ligtas siyang narekober at walang malubhang pinsala.
Matapos matiyak ang kaligtasan ng biktima, agad tinutukan ng mga awtoridad ang pagkilala at pagtunton sa mga responsable sa pagdukot.
Nagresulta ito sa pagkakaaresto sa apat na suspek—tatlong lalaki at isang babae.
Dinala ang mga ito sa kustodiya ng PNP AKG para sa kaukulang proseso.
Noong Agosto 5, isinagawa ang inquest proceedings sa Department of Justice sa Maynila kaugnay ng kasong Kidnapping for Ransom at Serious Illegal Detention.
Binigyang-diin ni PNP Chief PGEN Jose Melencio C. Nartatez Jr. na hindi hahayaang makakilos nang malaya ang mga kidnapping group.
“Hindi natin hahayaang kumilos nang walang pananagutan ang mga kidnapping group. Susundan natin ang bawat lead at pananagutin ang mga responsable,” ani Nartatez.
Dagdag pa niya, prayoridad ng PNP ang kaligtasan ng mga biktima at gagawin ang lahat upang maprotektahan ang kanilang buhay at mapanagot ang mga kriminal.
