UMABOT na sa hindi bababa sa 160 katao ang nasawi matapos hagupitin ng dambuhalang flash flood at mudslide ang mga komunidad sa hangganan ng Nepal at Tibet, habang daan-daang iba pa ang patuloy na nawawala.
Nagsimula ang trahedya nitong Miyerkules matapos ang isang napakalaking avalanche o pagguho ng bato at yelo mula sa isang tributary ng Bhotekoshi River.
Biglang kumawala ang rumaragasang tubig na dumaloy sa mga lambak ng Rasuwa district sa Nepal at umabot hanggang Tibet, dahilan upang malubog at matangay ang mga komunidad na nasa gilid ng ilog.
Sa loob lamang ng ilang minuto, winasak ng baha ang mga bahay, kalsada, tulay, sasakyan at ilang pasilidad ng hydropower.
Makikita sa mga security camera video ang mabilis na pagtakas ng mga residente habang tinatamaan ng malakas na agos ng tubig at putik ang mga gusali at sasakyan.
Inilarawan ng mga nakasaksi ang lugar bilang isang eksena ng matinding pagkawasak, kung saan ilang pamayanan ang halos tuluyang naglaho sa ilalim ng putik at mga debris.
Ayon sa mga awtoridad ng Nepal, 157 bangkay na ang narekober, habang tatlo naman ang naiulat na nasawi sa Gyirong County sa Tibet, ayon sa Chinese authorities.
Gayunman, patuloy pang tumataas ang bilang ng mga nawawala habang isinasagawa ang search and rescue operations.
Kabilang sa mga hindi pa natutunton ang mga lokal na residente, pulis, hydropower workers at mga dayuhang turista. Ayon sa Nepal Tourism authorities, nasa 341 foreign tourists ang kabilang sa listahan ng mga nawawala.
Kabilang sa mga dayuhang iniulat na nawawala ang mga mamamayan ng India, United States, Australia, United Kingdom, Canada at South Korea.
Isa sa pinakamalaking grupo ng mga nawawalang dayuhan ay mga Indian national.
Lalong naging mahirap ang rescue operations matapos tangayin ng baha ang mga tulay at kalsada. Natabunan din ng putik at malalaking debris ang mga pangunahing ruta patungo sa mga sinalantang lugar.
Nahihirapan ding makapaglapag ang mga rescue helicopter dahil sa mataas na tubig at mapanganib na kondisyon sa mga lugar tulad ng Syapru Besi at Timure.
Dahil patuloy pa ang paghahanap sa mga nawawala, inaasahan ng mga awtoridad na maaari pang lumaki ang bilang ng mga nasawi sa mga susunod na araw.
