NAGLABAS ng warrant of arrest ngayong araw ng Biyernes, Oktubre 30, ang Quezon City Regional Trial Court (RTC) Branch 90 laban sa blogger at PGMN Anchor na si Camille Jensen Hirro, na mas kilala bilang “CJ Hirro” matapos makakita ng probable cause kaugnay ng pitong bilang ng kasong cyber libel na isinampa laban sa kanya.
Ayon sa isang social media post ni Atty. Jess Falcis, ang mga reklamo ay inihain ng dating Quezon City Representative Marvin Rillo.
Batay sa inilabas na kautusan ng korte, maingat na sinuri ng hukuman ang mga alegasyon at mga sumusuportang dokumento na kalakip ng mga impormasyon na inihain noong Oktubre 22, 2026 at natanggap ng tanggapan ng Clerk of Court ng Quezon City RTC noong Oktubre 28, 2026.
Sa pitong kasong isinampa, nakita ng korte ang sapat na batayan upang maglabas ng warrant of arrest laban kay Hirro.
Nakasaad din sa kautusan na kailangang sumunod ang mga aarestong pulis sa A.M. No. 21-06-08-SC o ang “Rules on the Use of Body-Worn Cameras in the Execution of Warrants.”
Inaatasan ng naturang panuntunan ang mga pulis na gumamit ng body-worn cameras o alternatibong recording devices upang maitala ang mahahalagang pangyayari sa pagsasagawa ng pag-aresto.
Kailangan ding ipaalam sa taong aarestuhin at sa iba pang taong kasama sa pagre-record na isinasagawa ang operasyon alinsunod sa warrant na inilabas ng korte.
Wala pang karagdagang detalye hinggil sa aktuwal na pagsisilbi ng warrant o kung naaresto na si Hirro.
