BINAWIAN ng buhay ang bride-to-be na guro habang sugatan naman ang kanyang kasintahan makaraang tumilapon sa kanilang motorsiklo nang salpukin ng isang rumaragasang kotse sa kahabaan ng Barangay 6, Calamba City Sabado ng umaga.
Tinukoy ng mga awtoridad ang nasawing biktimang si Crislyn Paro, 27-anyos na guro ng Palingon habang ang sugatang driver naman ng motorsiklo ay si Miguel August Ocampo , 26-anyos .
Base sa imbestigasyon ng pulisya, bandang 4:30 ng umaga, binabagtas ng motorsiklo ang JP Rizal Street patungong Crossing, Barangay Uno nang salpukin ng Toyota Wigo na minamaneho ni Jebson Calderon, 32, na umano’y biglang tumawid sa interseksyon .
Agad na tumilapon sa kalsada ang magkasintahan sa lakas ng impact .Baganan nakasuot ng helmet ang mga biktima nagtamo pa rin ng matinding pinsala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang mga ito.
Dinala ng mga nagrespondeng tauhan ng CDRRMO sa Dr. JP Rizal Memorial Hospital ngunit kalaunan ay inilipat si Ocampo sa AMSI Doctors Hospital, habang dinala si Paro sa Pamana Hospital kung saan idineklarang wala ng buhay bandang 6:45 a.m. dahil sa traumatic brain injury.
Base sa kaaanak ng biktima, nakatakdang ikasal ang nasawing guro sa darating na April 21 .
Nasa kustodiya na ng pulisya ang driver ng kotse at sasailalim sa alcohol test habang inihahanda ang kaukulang kasong reckless imprudence resulting in homicide, physical injuries at damage to property na isasampa laban dito.
