AGAD na ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong ang agarang paglilinis ng mga waterways sa Naga City dahil sa patuloy na paglala ng mga matitinding bagyo sa rehiyon.
Sa isang panayam sa media, sinabi ni Pangulong Marcos na matagal na ring pinaplano ng kanyang administrasyon ang inspeksyon sa Oplan Kontra Baha (OKB) sa Naga City.
“Because talagang naging critical ito eh, especially with the storms that came in. We know that Bicol is always the pathway of the storms. The immediate problem that we saw…is ‘yung bigat ng bagsak ng ulan. Dati hindi naman ganoon karami,” ani Pangulong Marcos.
Binanggit ng Pangulo na umabot sa humigit-kumulang 700 centimeters ang naitalang ulan sa loob ng isang araw sa Naga City. Ito ay mas mataas pa kumpara sa mga naitalang antas noong mga nakaraang malalakas na bagyo tulad ng Ondoy at Yolanda.
Ipinakita ng pagbisita ni Pangulong Marcos sa Sagop Creek sa Barangay Triangulo ang pangako ng gobyerno sa pangmatagalang pagpigil sa pagbaha at pagpapalakas ng kakayahan sa sakuna, hindi lamang sa Bicol Region kundi sa buong bansa. Binisita rin ng Pangulo ang Sitio Magaya-gaya Creek sa Barangay Concepcion Pequeña bilang bahagi ng inspeksyon ng OKB.
Mainit na tinanggap ng mga lokal na opisyal at residente ang pangako ng Pangulo sa paglilinis ng mga daluyan ng tubig sa Naga City.
Sa isang panayam sa Presidential News Desk, binigyang-diin ni Alvin Caquilala, Engineer II ng DPWH Equipment Management Division Region 5, ang benepisyo ng paglilinis, at sinabi na matagal nang hindi napapanatili ang Sagop Creek, na nagdulot ng paulit-ulit na pagbaha, lalo na noong Typhoon Kristine noong 2024.
“Matagal na hindi dinadaanan ng tubig kasi sobrang barado na. Ang naging problema niya lalo na noong Typhoon Kristine, malaki ang naging epekto matagal pong mag-subside ‘yung baha at talagang mataas po ‘yung level ng tubig. Weeks before nag-subside ang tubig,” ani Caquilala.
Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng koordinasyon sa pagitan ng DPWH, sa pamamagitan ng inisyatiba ni Pangulong Marcos, at ng mga local government units sa pagpapanumbalik ng creek.
“Malaking tulong ang paglilinis ng creek na ito, hindi lang sa mga residente ng Naga kundi pati na rin sa mga nasa upland,” dagdag pa niya.
Inaasahang matatapos ang paglilinis ng Sagop Creek pagsapit ng Hulyo 2026, kasabay ng iba pang paglilinis ng mga daluyan ng tubig sa Naga City.
