Nakumpiska ang isang baril mula sa isang grade 8 student habang nasa loob ng paaralan ng President Quirino sa Sultan Kudarat nitong Lunes ng umaga, Nobyembre 9.
Ayon sa pulisya, isang 9mm pistol na may walong bala ang natagpuan sa loob ng bag ng estudyante na 13 taong gulang.
Narekober ang baril at mga bala matapos na kusang buksan ng menor de edad ang kanyang bag sa isinagawang inspeksyon sa guardhouse ng paaralan nitong Lunes.
Dinala ang estudyante sa President Quirino Municipal Police Station, kasama ang kanyang mga magulang.
Ini-refer din siya sa Women and Children Protection Desk (WCPD) para sa angkop na interbensyon alinsunod sa batas at mga pamamaraan sa pangangalaga sa mga bata.
“Ang insidenteng ito ay paalala na ang pagiging mapagmatyag at pagsasagawa ng mga makatwirang pag-iingat ay maaaring magkaroon ng malaking epekto,” ayon kay PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. sa isang pahayag nitong Martes.
“Kasabay nito, dahil menor de edad ang sangkot, dapat nating tiyakin na ang bawat hakbang ay isinasagawa nang naaayon sa batas, na may nararapat na pagsasaalang-alang sa mga karapatan at kapakanan ng bata,” dagdag niya.
Pinahigpit ang seguridad sa ilang paaralan sa bansa kasunod ng mga insidente ng pamamaril na yumanig sa San Jose National High School sa Tacloban City noong Hunyo, Ateneo de Zamboanga University noong Agosto, at Banga National High School sa South Cotabato noong Setyembre.
