OPISYAL nang kinilala ng Korte Suprema ang Duterte-allied group na pinamumunuan nina dating Energy Secretary Alfonso Cusi at dating Cabinet Secretary Melvin Matibag bilang lehitimong liderato ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban), na nagwakas sa matagal na hidwaan sa loob ng partido simula pa noong 2021.
Sa 25-pahinang desisyon sa G.R. No. 265395, ibinasura ng Supreme Court (SC) en banc ang petisyon nina dating Senador Aquilino “Koko” Pimentel III at Emmanuel “Manny” Pacquiao na umapela laban sa naging desisyon ng Commission on Elections (Comelec) noong 2022 na kilalanin ang liderato ng grupo nina Cusi.
Itinatag ang PDP-Laban ng yumaong dating Senate President Aquilino “Nene” Pimentel Jr. at ni Sen. Benigno “Ninoy” Aquino Sr.
Ang partido ang nagpatakbo kay Rodrigo Duterte bilang pangulo noong 2016.
Mahigit apat na dekada nang kasapi si Koko Pimentel at kabilang sa bumalangkas ng konstitusyon ng partido.
Si Pacquiao naman ay sumali noong 2012 at naging bise presidente para sa Mindanao.
Noong 2021, si Duterte ang nagsilbing chair ng partido habang si Cusi ang vice chair.
Nagsimula ang hidwaan nang ihayag ni Pacquiao ang intensyon na tumakbo bilang presidential candidate ng PDP-Laban noong 2022, samantalang sinuportahan ni Cusi ang ibang kandidato na hindi kasapi ng partido.
Dahil dito, sinubukan nina Pimentel at Pacquiao na ipa-expel si Cusi sa pamamagitan ng resolusyon.
Gayunman, sa pulong ng national council noong Mayo 31, 2021 na pinangunahan ni Cusi alinsunod na rin sa awtorisasyon ni Duterte, hinirang si Matibag bilang acting secretary general.
Kalaunan, pinatalsik ng grupo nina Pimentel sina Cusi at Matibag at nagsagawa ng halalan kung saan si Pimentel ang itinanghal na acting chair.
Ngunit nagsagawa rin ng sariling pagpupulong ang grupo nina Cusi noong Hulyo 2021 at doon siya nahalal bilang party president habang nanatili si Duterte bilang chairman.
Noong Setyembre 19, 2021, idineklara naman ng grupo nina Pimentel at Pacquiao si Pacquiao bilang opisyal na kandidato sa pagkapangulo.
Sa desisyon nito, sinabi ng SC sa pamamagitan ni Associate Justice Japar Dimaampao na walang “grave abuse of discretion” ang Comelec nang kilalanin ang mga pulong at asembliya ng grupo nina Cusi noong Mayo at Hulyo 2021.
Binigyang-diin ng SC na walang probisyon sa konstitusyon ng PDP-Laban na nagsasabing tanging ang chair lamang ang may kapangyarihan na magpatawag at mamuno ng national council meetings.
Katunayan, malinaw umanong ibinigay ni Duterte ang awtoridad kay Cusi na mangasiwa sa pulong noong Mayo 2021.
Dagdag pa ng Korte Suprema, walang kapangyarihan ang komite nina Pimentel na patawan ng parusa o patalsikin sina Cusi at Matibag, dahil ang kapangyarihang iyon ay nakatalaga sa chapter ng partido kung saan sila kabilang.
