
Pormal nang binuksan kahapon ang week-long anniversary celebration ng National Housing Authority o NHA na may temang: “NHA @47, Bagong Bahay , Bagong Buhay, Handog na Tunay ” sa pamamagitan ng service caravan na nilahukan ng iba’t-ibang government agencies, , non-government organizations, at mga pribadong kumpanya.
Sa isinagawang pulong-balitaan kasama ang mga opisyal ng NHA, nabanggit ni NHA General Manager Joben Tai na ang kanilang budget ay 5.5 bilyong piso subalit ang kanila lamang natanggap ay 2 bilyon piso. Aniya, kailangan nila ang kabuuan ng budget upang hindi matigil ang kanilang mga programa at serbisyo.
Alinsunod sa programang pabahay ni Pangulong Bongbong Marcos, target ng administrasyon na makapagtayo ng 6 million housing units sa loob ng 6 na taon. At ayon sa mandato ng NHA, 1.63 million lamang ang nakatoka sa ahensya.
Upang mas lalo pang mapalakas ang sebisyo at programa ng ahensya kasabay ng pagbibigay ng de kalidad at disenteng pabahay sa mga mamamayan sa loob ng susunod pang 50 taon, pangunahing target ni Tai ay ang renewal ng NHA Corporate Charter na magtatapos na sa loob ng tatlong taon. Naidulog na rin nya ito kina Speaker Martin Romualdez at kay Deputy Majority Floor Leader at presidential son na si Cong Sandro Marcos. Nagpahiwatig naman ng suporta sa layunin ni Tai ang dalawang mambabatas.
Samantala, sa ika-71 araw ni Tai bilang hepe ng NHA, iniuulat nito na nakapag award na ang ahensya ng 431 units ng pabahay mula sa iba’t-ibang lugar sa bansa.
At sa loob ng unang lingo ni Tai sa opisina ay nakapagrelease na ang ahensya ng 270 milyung piso bilang tugon at pagtulong ng ahensya sa mga nasalanta ng lindol nitong nakaraang buwan ng Agosto. Ang nabanggit na pondo ay pinakinabangan ng 26, 280 na pamilya sa abra at Ilocos Sur.
Sa ilalim ng administrasyon ni Tai, ang NHA ay patuloy na kumikilos upang mas lalo pang paigtingin ang kooperasyon ng ahensya sa iba pang government agencies at pribadong sektor upang magkaroon ng maayos na daloy ang mga programa at serbisyo nito sa mamamayang Pilipino at mahatiran ng disente at abot-kayang pamamahay ang mga nasa laylayan ng lipunan.