ARESTADO ang isang 59-anyos na barangay kagawad mula sa Barugo, Leyte, matapos makumpiska sa kaniya ang dalawang sachet ng hinihinalang shabu sa isinagawang checkpoint operation sa Barangay Cayare, San Miguel, Leyte, nitong Lunes.
Ayon sa San Miguel Municipal Police Station, pinara ng mga pulis ang suspek na kinilala lamang sa alyas na “Aldo” dahil umano sa pagmamaneho ng motorsiklo nang walang suot na helmet.
Sinabi ng pulisya na nahulog sa lupa ang hinihinalang ilegal na droga nang ipakita ng kagawad ang kaniyang driver’s license, dahilan upang mapansin at makuha ito ng mga operatiba.
Tinatayang nasa 0.48 gramo ang kabuuang timbang ng dalawang sachet ng hinihinalang shabu, na may tinatayang street value na ₱3,264 batay sa presyong itinakda ng Dangerous Drugs Board (DDB).
Ayon sa pulisya , kabilang ang suspek sa mga bagong natukoy na indibidwal na umano’y sangkot sa ilegal na aktibidad ng droga.
Dinala ang suspek at ang mga nakumpiskang ebidensiya sa himpilan ng pulisya sa San Miguel para sa dokumentasyon at paghahanda ng kasong may kaugnayan sa umano’y paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
