LUMAGAPAK ang palitan ng piso kontra sa P64 kada dolyar nitong Martes, habang nagpapatuloy ang sunod-sunod na pagtatala nito ng pinakamababang halaga sa kasaysayan ng bansa.
Kasabay nito, naghahanda ang mga mamumuhunan sa sunod-sunod na mahahalagang desisyon sa patakaran ng mga pangunahing bangko sentral ngayong linggo.
Nanatili rin ang pangamba sa pananaw sa paglago ng ekonomiya ng bansa at sa patuloy na mataas na inflation o pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo.
Batay sa datos ng Bankers Association of the Philippines (BAP), umabot sa pinakamababang antas na p64 kada dolyar ang piso sa intraday trading, o pinakamababang halaga nito sa loob ng araw ng Martes, alas-11:03 ng umaga, Oktubre 27.
Naganap ang panibagong paghina ng piso sa kabila ng kamakailang pagtataas ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ng interest rate ng kalahating porsiyentong punto.
Ito ang isa sa pinakamalalaking hakbang ng BSP sa loob ng mga nakaraang taon upang mapigilan ang patuloy na pagtaas ng inflation.
Inaasahang mag-aanunsyo ng kanilang mga desisyon sa patakaran sa pananalapi ang limang pangunahing bangko sentral sa buong mundo sa mga susunod na araw.
Kabilang dito ang US Federal Reserve, European Central Bank, Bank of Japan, Bank of Canada, at Reserve Bank of New Zealand.
Dagdag na nagpapataas sa pressure sa inflation ang pagmahal ng langis sa pandaigdigang merkado.
Dahil dito, mas nagiging komplikado ang mga susunod na hakbang sa patakaran sa pananalapi habang sinusuri ng mga mamumuhunan ang posibilidad ng panibagong pagtataas ng interest rate at ang maaaring epekto nito sa paglago ng pandaigdigang ekonomiya.
