
SA halip na kastigo, nakasungkit pa ng malaking kontrata sa Pilipinas ang isang malaking Chinese company na nagmamay-ari ng mga dredging vessels na gumawa ng artificial island ng China sa West Philippine Sea.
Ang bagong proyekto – reclamation ng 360-ektaryang bahagi ng Manila Bay.
Pagsisiwalat ng Samahan ng Nagkakaisang Marinong Pilipino (SMNP), nasungkit ng mga China Harbor Engineering Corporation (CHEC) na nagmamay-ari ng M/V Liang Ku 9; M/V Liang Ku 99; Shen Zhen Star; Guang Zhou Star; M/V Zhou Hai Star/Atap; M/V Zhua Hai Star; Seastrans Mariner; KG 18; Heng Da 188; Hong Fu 588; M/V Xin Yi 9577; An Da kang 689; Hiong Fu 598; M/V Xin Yi; Hong Fu 588, at Hua Tai Long ang kontrata para i-reclaim ang 360-ektaryang bahagi ng Manila Bay.
Sa pagsasaliksik lumalabas na isang subsidiary corporation lang ang China Harbour Engineering Co. na nasa ilalim ng China Communications Construction Company (CCCC) na gumawa ng mga artificial island sa West Philippine Sea – para sa bansang Tsina.
Lumalabas na ginagamit ngayon ng CCCC ang China Harbour Engineering Co. bunsod na rin ng ipinataw ng “perpetual ban” ng World Bank sa CCCC kaugnay ng maanomalyang bidding sa isang proyekto noong 2009.
Gayundin ang China Harbour na napag-alamang tinabla dahil sa suhulang naganap kaugnay ng isang proyekto sa bansang Bangladesh noon namang taong 2018.
Sa isang liham na ipinadala ng SMNP kina Secretary Bienvenido Laguesma ng Department of Labor and Employment at Secretary Susan Ople ng Department of Migrant Workers, iginiit ng grupo na ibigay sa mga lokal na kumpanya ang kontrata upang mabigyan ng trabaho ang libo-libong marinong Pinoy.
Kinuwestyon rin ng grupo ang pagpasok ng mga marinong Tsino – bagay na anila’y isang tahasang paglabag sa mga umiiral na batas hinggil sa pagpasok ng mga dayuhan sa bansa.
Paglilinaw naman ng Maritime Industry Authority (Marina), hindi pinahihintulutan ng pamahalaan ang pagpasok sa kontrata ng mga Chinese dredgers sa Manila Bay Reclamation maliban na lang kung ginawaran ng special permit ng kanilang ahensya.
Gayunpaman, lumalabas sa pagsisiyasat na binigyan ng Marina ng permit ang mga Chinese dredgers – “pero hindi ang mga Chinese seafarers,” ayon kay Marina – NCR Director Engr. Marc Anthony Pascua.
“The agency (Marina) issued the required permits to the vessels of China Harbor operating in Manila Bay, but employing Chinese crew in such projects is not allowed.”