NAGLABAS ang Land Transportation Office (LTO) ng Show Cause Order (SCO) laban sa rehistradong may-ari ng isang motorsiklo na nagtusok ng gulong ng isang delivery van na nakuhaan ng video at kumalat sa social media.
Sa SCO na pinirmahan ni Renante Melitante, pinuno ng LTO-Intelligence and Investigation Division, ang rider ay nakilala sa rehistradong Yamaha Sniper, 851QBN na nakita sa video.
“Due to the gravity/severity of the acts of the rider, please be informed that the motorcycle with plate number 851QBN will be temporarily placed under alarm preventing any and all transactions while the case is under investigation,” nakasaad sa SCO.
Inatasang lumitaw sa LTO Central Office sa Quezon City ang rehistradong may-ari na residente ng Malabon City sa Lunes, Marso 25, upang magbigay-liwanag sa pangyayari at upang matukoy kung siya rin ang rider noong nangyari ito.
Sinabi ni LTO Chief Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II na ang paglalabas ng SCO ay dapat magsilbing paalala sa lahat ng motorista na iwasan ang anumang marahas na gawain dahil sa road rage.
“Marami na tayong naparusahan dahil sa road rage at muli ay pinapaalalahanan natin ang ating mga kababayan motorista na iwasan ito dahil kayo din ang malalagay sa alanganin,” sabi ni Assec Mendoza.
Sa viral na video, ang motorcycle rider ay nakitaang nag-aaway sa driver ng isang puting delivery van bago niya kinuha ang maliit na kutsilyo at tinusok ang harapang gulong ng sasakyan.
Pagkatapos ay agad siyang tumakas at iniwan ang puting delivery van na may flat na gulong.