NASAKOTE ng mga operatiba ng Rodriguez Municipal Drug Enforcement Team (MDET) ang mag live-in partner na tulak ng ipinagbabawal na gamot kahapon , Enero 30, 2024 dakong 10:45 ng gabi sa Dike 2, Brgy., Balite, Rodriguez lalawigan ng Rizal.
Ayon sa ulat, nagresulta ang pagkakahuli sa mga suspek matapos magbenta ito ng isang pakete ng hinihinalang shabu sa isang pulis na nagpanggap na poseur buyer. Ang mga naaresto ay kinilala na sina Alyas Karyo, 43-taong gulang at Alyas Edelyn, 34-taong gulang na parehong residente ng Rodriguez, Rizal.
Narekober ang mga nakumpiskang ebidensiya mula sa mga suspek ang 10 na pakete ng hinihinalang shabu na may kabuuang bigat na humigit kumulang 150 gramo na nagkakahalaga ng mahigit isang milyong piso (PHP 1, 020,000.00), 2 piraso ng 1000 peso bill (buy-bust money), 3 piraso ng 1000 peso bill (boodle money), 8 piraso ng 100 peso bill (confiscated money) at 2 pirasong pouch.
Base sa rekord ng mga otoridad, dati ng nahuli ang mga suspek sa kasong iligal na droga at muli itong nahuli sa pangalawang pagkakataon sa parehong insidente.
Dinala ang mga nakumpiskang ebidensya sa Rizal Provincial Forensic Unit para sa tamang dokumentasyon at disposisyon.
Samantala, kasalukuyang nakapiit ang mga suspek sa Rodriguez Custodial Facility na nahaharap sa reklamong paglabag sa R.A 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ang matagumpay na operasyon laban sa iligal na droga na nagresulta sa pagkakaaresto ng mga suspek ay bunga ng masigasig na kampanya ng Rizal PNP laban sa lahat ng uri ng kriminalidad.
Binigyang diin ni Rizal Provincial Director PCol Felipe Maraggun na ipagpapatuloy nito na lalananan at hindi titigil sa pagsugpo sa mga illegal na droga.