HUMILING ng executive session si Dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo upang ilahad ang pagkakakilanlan ng mastermind sa likod ng “international crime syndicate” na kasangkot sa mga aktibidad na may kaugnayan sa POGO sa Pilipinas, ayon kay Senate Senior Deputy Majority Leader JV Ejercito.
Sa Senate committee hearing noong Martes, Setyembre 24, inirekomenda ni Ejercito ang isang executive session upang payagan ang mas confidential ang talakayan.
Direktang tinanong ni Ejercito si Guo tungkol sa kanyang partisipasyon sa mga operasyon, na sinagot ng dating alkalde: “Hindi po ako mastermind. Masasabi ko po na ako ay biktima.”
Naniniwala si Ejercito na si Guo ay isang “pawn” na ginagamit ng international crime syndicate. Pinilit niya siyang tukuyin ang mga “most guilty.”
Sumagot si Guo: “Sa tagal po ng investigation, alam na rin po ng committee, lalo na ng ating Madam Chair (Senator Risa Hontiveros) kung sino talaga ang nasa likod ng lahat.”
Hinimok ng mambabatas si Guo na ilantad ang mga salarin para sa kapakanan ng mga biktima ng mga aktibidad na may kaugnayan sa POGO.
“Baka sa executive session, sana ho sa huli, may pagkakataon pa kayong sabihin kung sino man ang talagang nasa likuran. Kasi nga kung ang sabi mo nga ay ikaw ay biktima, maawa rin tayo sa mga naging biktima ng POGO ‘di ba?” sabi ni Ejercito.
Ipinahayag ni Guo ang kanyang kahandaang ilahad ang mga pangunahing tauhan sa likod ng operasyon ng international crime syndicate sa executive session.
“Umaasa akong ilalahad ni Ms. Alice Guo ang mga tunay na mastermind sa likod ng operasyong ito. Kami ang magiging responsable para sa inyong kaligtasan,” tinitiyak ni Ejercito.