NAGLABAS ang National Bureau of Investigation (NBI) nitong Lunes ng bagong subpoena kay Vice President Sara Duterte para ipaliwanag ang kanyang pahayag na kumuha siya ng assassin para patayin si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.. kung siya ay mamatay.
Sinabi ni NBI Director Jaime Santiago na ang subpoena ay para magpakita si Duterte sa kanyang panig sa Disyembre 11.
Sa isang online briefing noong Nobyembre 23, sinabi ni Duterte na naka-tap na siya ng isang assassin para patayin sina Pangulong Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos at House Speaker Martin Romualdez kung siya ay unang papatayin.
Sa nasabing online press briefing, sinabi ni Duterte na “no joke” ang kanyang direktiba.
Isinagawa ang press briefing matapos ipag-utos ng House Committee on Good Government and Public Accountability na ilipat ang kanyang chief of staff na si Undersecretary Zuleika Lopez, mula sa House detention facility patungo sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong City.
Si Lopez ay na-contempt sa “undue interference” kaugnay sa imbestigasyon ng komite sa paggamit ng mga confidential fund ng Office of the Vice President.
Nakatakdang humarap sa NBI noong Nobyembre 29 ang Bise Presidente ngunit tanging ang kanyang abogado lamang ang dumating at humiling ng reschedule matapos na huli na malaman ni Duterte na ipinagpaliban ang pagdinig ng House Committee na nakatakdang dumalo.