NAKA red alert ang mga otoridad sa New Bilibid prison sa Muntinlupa matapos sumiklab ang gulo kagabi .
Kinumpirma ito ni Bureau of Corrections o BuCor director general for operations na si Angie Bautista matapos ang pagkamatay ng isang Persons Deprived of Liberty o PDL.
Naganap ang kaguluhan sa pagitan ng dalawang grupo na Commando at Sputnik Gang bandang ala-una ng madaling araw sa Quadrant 4 Maximum security compound.
Anim sa mga ito ay nasugatan sa grupo ng Sputnik habang dalawa naman ay sa Commando at isa naman ay hindi pa matukoy kung saan kabilang.
Base sa ulat ng BuCor , nagtamo ng tama ng saksak at bala ang nasawi at mga sugatan.
Wala namang nasaktan o nasawi sa hanay ng mga jailguards.
Patuloy naman ang pag-iimbestiga ng Department of Justice o DOJ sa nasabing pangyayari at kung paano naipasok ang mga armas sa NBP.