PATAY sa engkwentro ang isang sinasabing mataas na lider ng New People’s Army (NPA) at tatlo pa nitong kasamahan matapos makipagbakbakan sa mga sundalo sa Barangay Bakingking, Esperanza, Agusan del Sur nitong Sabado.
Kinilala ng 4th Infantry (Diamond) Division ang isa sa mga nasawi na si Julia Cagadas, alyas “Rheda,” na sinabing secretary ng North Central Mindanao Regional Committee (NCMRC) at kabilang sa mga lider ng rebeldeng grupo sa Region 10.
Batay sa ulat ng militar, nagsagawa ng operasyon ang mga tropa matapos makatanggap ng impormasyon mula sa mga concerned citizen hinggil sa kinaroroonan ng grupo.
Bandang alas-11 ng tanghali nang puntahan ng mga sundalo ang pinaniniwalaang hideout ng mga rebelde. Nauwi ito sa matinding palitan ng putok sa magkabilang panig.
Tinatayang umabot ng 30 minuto ang bakbakan bago tuluyang umatras ang ilang rebelde sa lugar.
Apat na NPA ang naiwan at idineklarang patay matapos ang engkwentro, habang pinaniniwalaang may iba pang kasamahang nasugatan at agad na itinakas ng kanilang grupo.
Patuloy naman ang pursuit operation ng militar laban sa mga nakatakas na rebelde habang isinasagawa ang clearing at security operations sa lugar.
