DALAWANG dialysis machines ang nai-turn over sa Pasay City Hall noong Pebrero 3, 2025 bilang donasyon ng OFW Partylist na isang mahalagang hakbang upang matulungan ang mga pasyenteng nangangailangan ng hemodialysis sa Pasay City General Hospital, lalo na ang mga miyembro ng OFW Party List.
Sa pangunguna ni OFW Party List Representative Marissa “Del Mar” Magsino Ang donasyon ay may kaakibat na kasunduan na magkakaroon ng mekanismo ang OFW Party List at Pasay City na magbigay ng libreng dialysis treatment sa Pasay City General Hospital sa mga miyembro ng OFW Party List.
“Alam natin kung gaano kabigat ang pinagdaraanan ng ating mga kababayang may sakit sa bato, lalo na ang gastusin para sa patuloy nilang gamutan. Kaya naman, hangad nating maibsan kahit papaano ang kanilang dinadala sa pamamagitan ng libreng dialysis treatment sa mga pasyente ng Pasay City General Hospital at mga miyembro ng OFW Party List,” saad ni Rep. Magsino.
Ang turnover ng dialysis machine at pagbibigay ng libreng dialysis treatment ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng OFW Party List na maghatid ng konkretong tulong sa sektor ng kalusugan, partikular sa mga pasyenteng kapos sa kakayahang tustusan ang kanilang pangangailangang medikal.
“Mahirap magkasakit lalo na kung pasanin pa ang out of pocket expenses sa pagpapagamot. Kaya kami sa OFW Party List ay nagsisikap maghatid ng mga programang magpapagaan ng mga alalahaning medikal ng mga kababayan, lalo ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) at kanilang pamilya.”, ani ni Rep. Magsino.
Pinasasalamatan rin ni OFW Party List Rep. Marissa “Del Mar” Magsino sina Mayor Imelda “Emi” Calixto-Rubiano, Congressman Antonino “Tony” Calixto, Vice Mayor Ding Del Rosario, Councilor Joey Calixto-Isidro, at iba pang konsehal mula sa District 1 at District 2 ng Pasay City, na nagbigay ng kanilang buong suporta upang maisakatuparan ang proyektong ito.
