NASABAT ng mga awtoridad ang tinatayang nasa P496.413 milyong halaga ng shabu na tumitimbang ng 73.002 kilo, at itinago sa loob ng industrial machinery mula Guadalajara, Mexico.
Pinangunahan ng Bureau of Customs–Ninoy Aquino International Airport (BOC-NAIA), sa koordinasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), ang operasyon na nagresulta sa pagkakapigil sa malaking shipment ng ilegal na droga bago ito tuluyang makapasok sa bansa.
Dumating sa Pilipinas ang shipment noong Setyembre 26, 2026, ngunit agad itong na harang matapos makatanggap ang mga awtoridad ng intelligence report na may posibleng laman itong ilegal na kontrabando.
Dahil dito, naglabas ng Alert Order at isinailalim sa masusing pagsusuri ang shipment sa isang warehouse sa Pasay City noong Oktubre 2.
Sa isinagawang X-ray scanning, nakitaan ng kahina-hinalang imahe ang loob ng mga tubular frame ng isang pelletizing machine.
Nagsagawa rin ng K9 sweep ang PDEA at nagbigay ito ng indikasyon sa posibleng presensya ng ilegal na droga.
Isinagawa ng mga Customs examiner ang pisikal na inspeksyon sa makina.
Sa pagsusuri sa mga tubular na bahagi nito, nakarekober ang mga awtoridad ng ilang pakete na naglalaman ng puting mala-kristal na substansiya na may kabuuang timbang na 73,002 gramo.
Nagpositibo sa methamphetamine hydrochloride, na mas kilala bilang shabu, ang isinagawang field testing.
Ayon kay BOC-NAIA District Collector Atty. Maria Yasmin M. Obillos-Mapa, ipinapakita sa operasyon ang kahalagahan ng pagbabantay at koordinasyon sa pagitan ng mga yunit ng Customs at mga katuwang na law enforcement agencies, lalo na sa harap ng mas sopistikadong paraan ng pagtatago ng droga ng mga smuggler.
“Every shipment that raises a red flag will be subjected to the necessary scrutiny,” pahayag ni Obillos-Mapa.
Samantala, nagbabala naman si Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno sa mga indibidwal at grupong gumagamit ng lehitimong kargamento bilang takip sa pagpupuslit ng droga.
Ayon kay Nepomuceno, maaaring magbago ang ruta, pamamaraan at paraan ng pagtatago ng mga smuggler, ngunit mananatiling mahigpit ang kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na droga.
Isinagawa ang operasyon sa pamamagitan ng magkasanib na pwersa ng BOC-NAIA, PDEA, CAIDTF, Enforcement and Security Service, X-ray Inspection Project, Customs Intelligence and Investigation Service, at NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group.
