NAKIPAGPULONG si Sen. Idol Raffy Tulfo sa mga opisyal ng Department of Foreign Affairs (DFA) kasama ang ilang mambabatas sa DFA Central Office para pag-usapan ang kasalukuyang sitwasyon ng mga Pinoy sa Israel na nasa gitna pa rin ng giyera laban sa armadong grupong Hamas.
Kasama sa nasabing meeting sina DFA Secretary Enrique Manalo, Usec. Eduardo de Vega ng Migrant Workers Affairs, Usec. Maria Theresa Lazaro ng Bilateral Relations and ASEAN Affairs, Asec. Mardomel Melicor ng Middle East and African Affairs, Pampanga 2nd district Rep. Gloria Macapagal-Arroyo, OFW party list Marissa “Del Mar” Magsino, KABAYAN Partylist Rep. Ron Salo at ACT Teachers Partylist Rep. France Castro.
Kabilang din virtually sa nasabing pagpupulong sina Ambassador to Israel Pedro Laylo Jr., Ambassador to Lebanon Raymond Balatbat, Ambassador to Jordan Wilfredo Santos, Ambassador to Egypt Ezzedin Tago at Charge d’affaires to Syria John Reyes.
“Patuloy pa din ang close monitoring sa mga Filipino community sa mga lugar na apektado ng giyera kabilang na ang Israel, Gaza at West bank pati ang mga kalapit na bansa. May contingency plan na din ang gobyerno sakaling mas lumala ang sitwasyon sa rehiyon,” ani Tulfo.
May ilang mga OFW na ang nagpahayag ng kanilang kagustuhan na umuwi sa Pilipinas dahil sa kaguluhan sa nasabing bansa.
Kabilang na dito ang 16 na OFW at isang infant na sinalubong ni Sen. Tulfo mula Israel na dumating ng Oktubre 18 sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3.
“Gagawin ang lahat ng gobyerno para masigurong ligtas at maayos na makakabalik ang mga OFW dito sa Pilipinas. May mga ayuda ring ibibigay para sa mga nakabalik na sa bansa at scholarship mula sa TESDA para sa kanilang mga anak,” saad niya.
“Puspusan din na nagtratrabaho ang Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) para sa repatriation ng mga Pinoy sa Israel,” dagdag niya.
Dagdag pa ni Sen. Idol, na Chairperson ng Committee on Migrant Workers, na kaisa siya sa pagdarasal para sa kaligtasan ng mga Pinoy na naipit sa kaguluhan. Nangako siya na hindi titigil ang pamahalaan sa pagbibigay tulong at suporta sa mga Pilipino sa Israel.