
BUHAY na buhay ang mga kalsada ng Lungsod ng Biñan, Laguna nitong Linggo, March 9, 2025, matapos sumabak ang 526 na siklista sa Pinay in Action (PIA) Bike Caravan na dumaan sa siyudad.
Naging makulay na event na ito na layong ipagsama ang komunidad sa pamamagitan ng isang 20-kilometro na bike ride na dumaan sa mga kilalang lugar sa siyudad.
Inorganisa ito ng PIA Caravan katuwang ng Biñan City Government at District Office.
Madaling araw pa lamang ay nagsimula na ang bike ride sa harap ng city hall, kung saan nagtipon ang mga masaya at sabik na kalahok.
Dumaan sila sa mga pangunahing lugar at barangay ng siyudad tulad ng Barangay Zapote, Pavilion Mall, Evangelista Bridge, Olivarez Plaza, Central Mall, at Mamplasan Circle.
Pagkatapos ng bike ride ay mayroon pang ibang aktibidad na ginanap tulad ng Zumba party, raffle draw, at mga nakaka-inspire na mensahe mula sa mga lokal na opisyal ng gobyerno.
Natapos ang event sa isang masayang salo-salo kung saan sama samang kumain at nagkwentuhan ang mga kalahok, na lalo pang nagpapatibay sa mga ugnayang nabuo sa caravan.
Nakatuon ang PIA Caravan sa pagpapalaganap ng sports at pagpapalakas ng mga kababaihan. Nagsagawa na ito ng ilang bike at run caravan sa buong bansa upang itaguyod ang kalusugan at kapakanan ng bawat pamilyang Pilipino.